Manila, Philippines – Pinagsusumite ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ng panibagong petisyon para sa taas pasahe ang mga Jeepney Operators.
Kasunod ito ng pakiusap ni ACTO National President Efren De Luna na pagbigyan na ang hiling nilang P10 Minimum Fare dahil na rin sa pagsipa ng presyo ng petrolyo bunsod ng TRAIN Law.
Pero sa pagdinig kanina, sinabi ng LTFRB na kailangang magpasa muna ng Amended Petition for Fare Hike ang grupo dahil hindi naman nakabase sa TRAIN Law ang una nilang ipinasang petisyon.
Samantala, naghain na kanina ng sarili nilang Fare Hike Petition ang tatlong grupo ng bus operators kabilang ang Soluboa, nagkakaisang samahan ng nangangasiwa ng panlalawigang bus sa Pilipinas at Stop Inc.
Idinahilan nila para sa Provincial Fare Increase ang patuloy na pagmahal ng Imported Spare Parts at Operational Cost sa pagpapatakbo ng Public Mass Tranport, taas-singil sa toll fee sa expressway, wage increase order at ang pagiging complaint nila sa mga rekisito ng Bus modernization program.
Itinakda ng LTFRB ang susunod na pagdinig sa Fare Hike Petition sa March 20.