Dagdag-pondo para sa climate change initiative, isinulong sa budget deliberations ng Senado

Humirit si Senator Francis Tolentino ng dagdag-pondo para sa mga inisyatibo ng pamahalaan na may kinalaman sa climate change upang umayon sa mga pandaigdigan tratado na pinasok ng bansa.

Sa budget deliberations ng Senado ay pinuna ni Tolentino ang katiting lamang na alokasyon para sa climate change sa ilalim ng 2022 National Expenditure Program (NEP).

Ayon kay Senate Finance Committee chair Juan Edgardo Angara, na siyang nagdedepensa ng budget, nasa 5.5 porsyento lamang o naglalaro sa ₱284.5 bilyon ang climate change expenditures ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.


Kabilang dito ang Department of Agrarian Reform, Department of Agriculture, Department of Energy, Environment and Natural Resources, Department of Foreign Affairs, at Department of Health.

Pero giit ni Tolentino, ang nasabing halaga ay hindi sapat upang suportahan ang mga ‘commitment’ ng bansa sa ginaganap na climate change summit sa Scotland na magtatapos ngayong araw.

Muling pinaalalahanan ni Tolentino ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na ang mga kasalukuyang tratado na pinasok ng gobyerno ay magiging bahagi ng mga batas na ipinatutupad sa bansa sa oras na ratipikahan ito ng Senado.

Ayon kay Tolentino, dapat tumupad ang Pilipinas sa mga napagkansuduang tratado lalo na ang pagbawas ng methane emissions ng 30 porsyento ngayong dekada at ang pagpigil sa deforestation ng kagubatan.

Facebook Comments