Manila, Philippines – Lalo pang naging positibo ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magwawagi ang gobyerno sa matinding drug war sa bansa ngayong maliban sa PNP ay pumasok na rin sa eksena ang Task Force Against Illegal Drugs (TFAID) ng National Bureau of Investigation (NBI).
Dahil dito, ipinaabot ni PDEA Director General Aaron Aquino ang kanilang pasasalamat sa pamunuan ng Department of Justice (DOJ) na nagbigay ng ‘go signal’ sa NBI na bumalik sa anti-drug operations at gumawa ng case build-up na may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakatitiyak si Aquino na sa pagkakataong ito, handang-handa na sila para sa all-out war laban sa iligal na droga at walang dahilan upang mabigo nila ang ‘marching order’ ng Pangulo na tuldukan ang matinding problemang ito.
Ayon kay Aquino, bagama’t lead authority ang PDEA maaari pa ring tutukan ng NBI ang high-value targets habang ang PNP naman ay magpo-pokus sa Illegal Drug Trafficking at Street-Level Distribution.
Matatandaan, December 5, nagpalabas ng Memorandum Order ang Palasyo ng Malakanyang na nagpapabalik sa pulisya sa drug war.
Una rito, Oktubre ng kasalukuyang taon nang opisyal na ilipat ng Pangulo sa PDEA ang solong kampanya mula sa PNP matapos iugnay ang serye ng patayan na konektado umano sa Anti-Illegal Drugs Operation ng mga otoridad.