Dagdag sahod sa gobyerno, pag-aaralan na rin ng Senado

Pag-aaralan ng Senado na dagdagan na rin ang sweldo ng mga empleyado sa gobyerno sa gitna na rin ng isinusulong na dagdag na P100 sa daily minimum wage ng mga empleyado sa pribadong sektor.

Sa interpelasyon para sa panukalang P100 wage hike sa private sector, nabusisi ni Senator Sonny Angara ang posibilidad na magkaroon ng wage distortion sa pagitan ng mga empleyado sa pribadong sektor at sa gobyerno.

Ipinunto ni Angara na sa kasalukuyan, ang pinakamababang sweldo sa plantilla position sa gobyerno ay kumikita ng katumbas ng 156,000 pesos kada taon o P13,000 kada buwan at kapag naipasa ang wage increase sa private sector ay lalabas na mas mataas pa ang kikitain ng mga empleyado rito.


Pangamba ng senador ay posibleng mas gugustuhin na ng marami na magtrabaho sa private sector kumpara ang magkaroon ng plantilla position sa gobyerno.

Naniniwala si Senate President Juan Miguel Zubiri na nararapat ding i-adjust ang sahod ng mga nasa gobyerno dahil ito ay magkakaroon ng domino effect kapag itinaas na ang sweldo sa pribadong sektor.

Facebook Comments