Maliban sa sermon, tiket na may kasamang multa ang inabot ng isang lalaki sa France matapos umakyat ng bundok upang makabili ng sigarilyo sa Spain.
Batay sa imbestigasyon, nagmaneho muna ang lalaki mula sa Perpignan sa Southern France patungong La Jonquera sa Spain sa pagbabakasakaling makakatawid ito ng border.
Hindi pa man nakakalabas ng France ay hinarang na ang lalaki sa isang checkpoint.
Bunsod ng insidente, naisip nito na lakarin at akyatin ang bundok na pumapagitna sa mga nasabing bansa.
Sa gitna ng trekking ay naligaw ang lalaki dahilan para iligtas pa siya ng kinauukulan.
Kinailangan din siyang isakay sa helicopter upang masuri ang kondisyon sanhi ng nararamdamang pagod at panlalamig.
Nang makumpirmang maayos ang lagay nito, pinagmulta siya ng 135 euros P7,400 dahil sa paglabag sa quarantine protocol.
Kahit walang ipinatupad na lockdown sa France, iniutos ng gobyerno roon na dapat magpakita ng explanation letter sa awtoridad ang mga residenteng lalabas ng bahay.
“He fell into a stream, in brambles, got lost and ended up contacting. The unfortunate is quickly located by our rescuers. We remind you once more. STAY AT HOME,” sabi ng PGHM des Pyrénées-Orientales sa kanilang Facebook post noong Sabado.
Sinusubakan daw ng mga mamimili sa Southern France na pumunta sa nasabing border dahil mura raw ang tindang alak, sigarilyo, at pagkain sa Spain kumpara sa bansang tinitirahan.