Manila, Philippines – Nagsagawa ng protesta ang grupo ng mga maliliit na negosyante ng sari-sari store at karinderya sa New Lower Bicutan sa Taguig City.
Ayon kay Nanay Vicky Aguinaldo, ang pangulo ng Philippine Association of Sari-Sari Stores and Carinderia Owners, o PASCO, layon ng kanilang pagkilos na maipaabot sa mga mambabatas ang mariing pagtutol sa pagsama sa mga tinatawag na sugar-sweetened beverages o SSB sa sinusulong na Tax Reform for Acceleration and Inclusion, o TRAIN ng Duterte Administartion.
Sinabi ni Nanay Vicky, nasa 30 hanggang 40 porsyento ng kanilang kinikita o gross sale ay galing sa mga nasabing produkto.
Kung ito anya ay bubuwisan pa ng napakalaki sa sinusulong na TRAIN ay tiyak anyang direktang tatamaan ang kanilang kabuhayan.
Inihalimbawa na lamang ang bentahan ng softdrinks, na ngayon ay dose pesos ang isang 8oz., at maaaring maging 21 pesos na kapag napatupad ang SSB Tax at hindi pa kasama dito ang epekto ng patuloy na pagtaas sa produktong petrolyo.
Kaugnay nito, sinabi ng grupo na sinamantala nila ang araw ni Gat Andres Bonifacio upang maisagawa ang kanilang protesta dahil libre anya ang oras ng mga ginang na karaniwang nagmamay-ari ng karinderya at sari-sari store .
Ginawa ng may 30 mga miyembro ng PASCO ang protesta sa Road 9, Purok 3, New Lower Bicutan, Taguig City, pero ayon sa grupo, suportado anya ito ng may 7 libo nilang miyembro sa buong bansa.