Manila, Philippines – Nababahala na ang Department of Health (DOH) sa pagtanggi ng mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak sa ipinapatupad na school-based immunization program ng ahensya.
Ayon kay Dr. Mary Jane Juanico, Medical Officer ng DOH-6, karamihan umano sa mga magulang ay hindi pumirma sa parent’s consent na ibinibigay ng DOH bago bakunahan ang mga bata.
Natatakot aniya ang mga magulang na baka sapitin ng kanilang mga anak ang dinanas ng mga nabakunahan ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
Bunsod nito, nasa mahigit 25 percent pa lang sa target na 300,000 estudyante sa buong western Visayas ang kanilang nabakunahan.
Umaapela naman ang DOH sa mga magulang na huwag matakot at huwag ihalintulad ang Dengvaxia vaccine sa iba pang immunization program ng DOH.
Sa ilalim ng school-based immunization program, bibigyan ng measles containing vaccine at tetanus diphtheria ang mga nasa grade one, samantalang measles rubella at tetanus diphtheria naman ang sa mga grade seven students.
Babakunahan rin ng Human Papillomavirus (HPV) vaccines ang mga babaeng estudyante sa grade four na nasa siyam hanggang 13-anyos.