Manila, Philippines – Kinilala ng pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport ang katapatan ng ilang natatanging tauhan nito na nagbigay ng magandang imahe sa bansa.
Kahapon, personal na pinagkalooban ng pagkilala ni NAIA General Manager Ed Monreal at Sr. Asst. General Manager Elenita Fernando ang ilang personalidad na nagsauli ng mahahalagang bagay at tumulong sa mga pasahero ng paliparan.
Ayon kay GM Ed Monreal, naging mabuting ehemplo ang anim na airport police sa pagbabalik ng may kalahating milyong pisong halaga ng pera sa pasaherong si Michael Chul Kim, isang US National at naka-iwan ng kanyang hand carry bag sa pushcart sa NAIA terminal 2 noong Nobyembre.
Laman ng bag ni Kim ng dumating sa bansa ang halos kalahating milyong piso halaga ng ibat ibang currency, laptop, cellphone at iba pang mga personal na gamit.
Bukod sa anim, 13 iba pa ang pinagkalooban rin ng certificate of recognition for honesty na nagsauli ng mga personal na bagay sa mga pasahero gaya ng cellphone, bag at pera.
Kinilala rin ng naia ang kagandahang loob ng isang airport police na nag-abono ng P15,000 na rebooking fee sa isang distressed OFW na kailangang maka-alis ng bansa at walang hinintay na kapalit noong Oktubre na si airport police officer 2 Roy Puzon.