Nais ni Quezon City Councilor Winnie Castelo na gumawa ng hakbang ang gobyerno upang maglatag ng konkretong plano para sa isang calibrated na pagpapakawala ng tubig ng mga dam sa susunod na mga araw.
Ginawa ni Castelo ang mungkahi matapos na palubugin sa tubig baha ang maraming lugar sa Lungsod ng Quezon sa kasagsagan ng paghambalos ng bagyo.
Napansin kasi ni Castelo na palaging huli na kung mag-abiso ang gobyerno sa schedule ng pagpapakawala ng tubig tuwing may tatamang bagyo sa bansa.
Matagal na rin aniya na hindi nareresolba ng gobyerno kung sinong susing tao ang magdedesisyon patungkol dito.
Naging kaugalian na aniyang ipaubaya sa mga operator ng dam at mga power plant ang pagdedesisyon.
Sinabi ni Castelo, ang mga ito aniya ay may intensyon lamang na protektahan ang kanilang mga pasilidad at hindi na isinasaalang-alang ang epekto nito sa buhay at sa pinsala sa ari-arian ng mga residente sa low-lying areas.
Mungkahi ng dating kongresista, dapat ay may isang ahensya na kinabibilangan ng mga eksperto tulad ng mga meteorologists, engineers, geologists, at hydrologists ang nagdedetermina kung kailan bubuksan ang floodgates ng mga dam.
Dapat din aniyang gawing maaga ang abiso at magkaroon ng maayos na information dissemination upang magkaroon ng mas mahabang panahon ang mga residente na makalikas sa mas mataas na lugar.