Manila, Philippines – Isinisisi ng Gabriela Partylist kay Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng militar sa Nasugbu, Batangas kung saan 15 miyembro ng NPA ang nasawi kabilang na dito ang UP student na si Josephine Lapira.
Giit ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus, nangyari ang insidente na ito dahil na rin sa utos ni Pangulong Duterte na puntiryahin ang mga kalaban ng estado.
Dahil dito, binibigyan ng kalayaan ng Pangulo ang AFP at PNP na lumikha ng terrorism at destabilization scenario para bigyang katwiran ang pagpatay sa mga NPA at mga aktibista.
Umaasa ang kongresista ng patas na imbestigasyon mula sa Commission on Human Rights para bigyang hustisya ang mga pamilyang naiwan ng mga napatay sa operasyon.
Inirekomenda din na gamiting ebidensya sa korte ang anumang resulta na makukuha sa gagawing imbestigasyon.