Manila, Philippines – Sumampa na sa 40 mga preso ang namamatay sa mga Detention cell ng Philippine National Police (PNP) sa buong Metro Manila simula noong July 2016.
Ito ang kinumpirma ni Incoming PNP Chief Oscar Albayalde.
Aniya pinakamaraming namamatay na preso ay sa detention cell ng Pasay City Police Office dahil sa dami ng mga naaresto.
Isa nakikita nilang problema ngayon ang mabagal na pagpapalabas ng commitment order ng korte sa mga kaso ng mga nakakulong sa mga detention cell ng PNP.
Paliwanag ni Albayalde dapat ay temporary lang ang pagkakakulong ng mga preso sa mga detention cell ng PNP habang hinihintay ang 15 araw na pagpapalabas ng commitment order ng Korte.
Pero ang nangyayari aniya lumalampas sa 15 araw bago maglalabas ng commitment order ang Korte.
Kaya kahit 30 preso lamang ang capacity ng isang detention cell ay umaabot minsan ng 100 preso dahilan ng pagkakasakit at pagkamatay.
Sa ngayon iniutos na ni Pangulo Rodrigo Duterte ang pagpapalaki ng mga detention facility ng PNP habang nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa mga Local Government Unit (LGU) upang pagtulungan maresolba ang problema.