Dahil sa singsing ng hinoldap niyang pulis, holdaper timbog sa Pasay

Manila, Philippines – Nahulog na sa kamay ng mga awtoridad ang isang lalaki na kasama umano sa mga nangholdap sa isang pampasaherong bus sa Pasay City kung saan kabilang sa mga nabiktima ang isang police inspector.

Ang suspek na si Junel Victorino ay itinuro ni Insp. Paul Kenneth Magan, nakatalaga sa PNP-Camp Crame, na isa sa mga nangholdap sa kanya sa loob ng isang bus.

Si Victorino at iba pang suspek na sina Norman Deyta, Wendel Padilla at Edgar Binayug ay nakilala ni Magan sa pamamagitan ng rogues’ gallery ng pulisya.


Si Magan ay hinatid kamakailan ng mga dati niyang kasamahang pulis-Pasay lulan ng isang police mobile sa sakayan ng bus sa EDSA.

Ngunit, lingid sa pulis ay nakita siya ng mga suspek na nagpanggap na mga pasahero nang sumakay ng Jayross Lucky Star Bus.

Kinuha ng mga salarin ang kanyang bag na naglalaman ng 9MM na baril, cell phone, mga ID at iba pang mahahalagang gamit kung saan nilimas din ang mga gamit at cash ng iba pang mga pasahero.

Ayon sa Pasay PNP, ilang araw matapos ang insidente ay nahuli si Victorino dahil sa paglabag sa ordinansa ng lungsod at nang kapkapan ay nakuha mula rito ang isang kutsilyo.

Sinasabing suot din ni Victorino ang nakulimbat nitong singsing mula kay Insp. Magan na may nakasulat na PNP Academy.

Inihahanda na ng pulisya ang mga kaukulang kasong isasampa laban kay Victorino habang tinutugis ang tatlo pang kasamahan ng suspek.
DZXL558, Mike Goyagoy

Facebook Comments