Dahil sa takot na magka-COVID-19: Lalaki, patay matapos uminom ng gamot nang walang abiso ng doktor

ARIZONA, USA – Agad binawian ng buhay ang isang lalaki matapos uminom ng gamot na ginagamit umano panglinis ng aquarium dahil sa takot na magkaroon ng coronavorus disease 2019 (COVID-19).

Sa inilabas na pahayag ng medical system sa Arizona, 30 minuto pa lang ang nakakalipas matapos inumin ng lalaki ang gamot na ‘chloroquine phosphate’ ay naramdaman na nito ang kakaibang epekto at kinailangang maisugod agad sa ospital.

Kritikal naman ang asawa ng lalaki na uminom din ng naturang medisina.


Ayon sa kanya, napanood  daw niya sa TV ang gamot na naiulat na maaari raw maging potensyal na panlunas ng coronavirus.

Dahil sa impormasyon, dali-dali raw nilang inihalo ang kaunting piraso ng gamot sa tubig saka ininom para raw maiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19.

Makaraan daw ang ilang minuto ay parehong sumama ang kanilang pakiramdam na may kasamang hilo at init ng katawan.

Maya-maya pa ay nagsuka na raw ang babae habang nahirapan na sa paghinga ang kanyang asawa.

Pagdating sa ospital ay hindi na rin nagtagal ang lalaki at agad nasawi.

Samantala, ang naturang gamot na ininom ng mag-asawa ay nagamit na rin panlunas kontra malaria at ito ay epektibo raw na pamatay ng virus sa mga laboratory experiments ayon sa ilang pag-aaral.

Facebook Comments