Dahil sa Textmate, Lalaki Timbog sa Droga!

123

San Mariano, Isabela – Timbog sa drug buy bust operation ng PNP San Mariano, Isabela ang isang driver matapos na mahulog sa inilatag na pa-in ng mga alagad ng batas at PDEA.

Sa eksklusibong pagtutok ng RMN Cauayan sa isinagawang operasyon pasado alas otso kagabi sa pagitan ng bayan ng San Mariano at Benito Soliven Isabela, nakuha sa pag-iingat ng suspek ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu, buy bust money na nagkakahalaga ng mahigit dalawang libong piso, cellphone, at motorsiklo na pag-aari ng suspek na nakilalang si Jayson Dela Cruz, tatlumpung taong gulang, binata at residente ng barangay Gagabutan, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Dela Cruz ay sinabi nito na siya ay nagtungo sa lugar upang makipagkita sa kanyang ka-txtmate na nagyaya upang mag-jamming at gumamit ng shabu.

Sa kagustuhan umano ng suspek na patunayan ang nasabing paanyaya at dahil binalak nito na ipahuli ang dalaga sa mga pulis ng Cauayan City ay pinagbigyan umano nito ang kanyang txtmate na magkita sa lugar.

Subalit laking gulat umano nito nang makarating sa lugar ng kanilang tagpuan ay dinakma na siya ng mga alagad ng PNP San Mariano.

Sa ngayon ay isinailalim na sa interogasyon ang suspek at inihahanda ng otoridad ang kasong paglabag sa R.A. 9165 laban kay Dela Cruz.

Samantala naging saksi sa nasabing buy bust operation si Radyoman John Soriano at ang mga opisyal ng barangay Sta. Filomena, San Mariano, Isabela.




Facebook Comments