Dahilan ng inaasahang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, inilatag ng DOE

Inisa-isa ng Department of Energy (DOE) ang mga dahilan kung bakit may inaasahang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo bukas.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Oil Industry Management Bureau ng DOE Assistant Director Rodela Romero, pangunahin sa rason ay ang nauna nang pag-anunsyo ng mga miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) noong June 4 na magbabawas sila ng produksyon ng langis na isang milyong bariles kada araw.

Nasundan aniya ito ng balitang pagbagal ng paglago ng ekonomiya ng mga bansa at magkakaroon umano ng kinatatakutang inflation at recession.


Bukod dito, nagpapatuloy pa rin aniya ang gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine na nagre-resulta ngayon sa oil embargo ng Russia o may pagbabawas din sa produksyon ng langis na nakaaapekto sa presyuhan.

Tuloy rin aniya ang sanction sa Iran at Venezuela.

Sinabi ng opisyal ang mga dahilang ito aniya, ang humatak para tumaas ang presyo ng produktong petrolyo.

Facebook Comments