Nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) 2nd Division na ang kabiguan na makasunod sa ilang probisyon ng Republic Act 7941 o Party-list System Act ang dahilan ng pagkansela nila sa registration ng An Waray Party-list group.
Tinukoy ng COMELEC ang ginawang pagpayag ng nasabing party-list group na maupo ang second nominee nito na si Atty. Victoria Isabel Noel bilang kanilang kinatawan sa 16th Congress.
Ito ay sa kabila anila ng alam nito na hindi pa naman naglalabas ang komisyon ng Certificate of Proclamation para kay Noel.
Dahil anila sa kawalan noon ng Certificate of Proclamation para sa 2nd nominee, isang upuan lamang ang nakalaan para sa An Waray kaugnay ng 2013 National and Local Elections kaya walang ligal na basehan para maupo sa puwesto si Noel.
Matatandaan na noong 2013 National and Local Elections, naiproklama ang An Waray bilang nanalong Party-list group na sa inisyal na kalkulasyon ay may nakalaang 2-seats sa Kongreso.
Pero, ang inisyal na alokasyon para sa dalawang upuang ito ay muling kinalkula at lumabas na isang puwesto lang ang maaari nilang makuha.