Dahilan ng pagpalya ng power generation plants sa Luzon Grid na nagdulot ng Red Alert status sa Luzon, ipinasisilip na ni PBBM

Pinasisilip na ni Pangulong Bongbong Marcos sa Department of Energy (DOE) ang dahilan ng pagpalya ng ilang planta ng kuryente sa Luzon.

Ito’y kasunod ng pag-deklara ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng Red Alert status ngayong araw sa Luzon Grid.

This slideshow requires JavaScript.


 

Aminado ang DOE na wala silang nakikitang problema sa transmission lines.

Natapos na kasi ng NGCP ang malalaking proyekto nito, tulad ng Cebu-Negros Panay 230 Kilovolt Backbone, Mindanao-Visayas Interconnection Project at Hermosa San Jose Line.

Sa inisyal na paliwanag ni Energy Assistant Secretary Mario Marasigan, sinabi nito na biglaan ang pagpalya ng Pagbilao units 1 and 2.

Sa ngayon aniya ay pinalalamig pa ang system kaya hindi pa ito mapasok ng mga maintenance crew para mainspeksyon at matukoy ang pangunahing dahilan ng pagpalya, pero posibleng dulot ito ng tagas sa boiler tube.

Ayon kay Marasigan, ang ganitong mga pangyayari sa mga power generation plant ay wala sa control ng power plant operator.

Tiniyak naman ni Marasigan na nagpapatupad sila ng regular monitoring sa sitwasyon o halos kada 30 minutong pagbabantay.

Paglilinaw pa ng opisyal na hindi rin sabay sabay pumalya ang 19 na power generation plants at nangyari ito dahil sa iba’t ibang dahilan.

Kabilang aniya rito ang mainit na panahon kaya talagang nagbawas ng kapasidad ang ibang planta.

Bukod dito, may nakitang iba pang problema sa planta matapos ang naunang schedule ng maintenance activities kaya humiling na mapalawig pa ito para makumpuni at hindi na magdulot pa ng mas matinding problema.

Facebook Comments