Daily COVID-19 cases sa NCR, posibleng pumalo sa 400 hanggang 500 sa katapusan ng buwan; QC, Makati at Manila, nasa yellow status na ayon sa OCTA

Nagbabala ang OCTA Research Group na posibleng umabot sa 400 hanggang 500 ang daily COVID-19 cases sa Metro Manila sa katapusan ng Hunyo.

Kasunod na rin ito ng mabilis na pagtaas ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa Metro Manila dahil sa mga subvariant ng Omicron.

Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, umakyat na sa 2.7 percent ang positivity rate sa National Capital Region habang tumaas din sa 1.59 ang reproduction number.


Sinabi ni David na kung magpapatuloy ang pagtaas, posibleng umakyat sa 300 ang arawang kaso ng COVID-19 sa mga susunod na linggo sa NCR at baka sumampa pa sa 400 hanggang 500 sa katapusan ng June, batay sa kanilang projection.

Sa ngayon aniya ay nakataas na sa “yellow warning status” ang Quezon City, Manila at Makati dahil na rin sa mabilis na pagtaas ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Facebook Comments