DAIRY AT CARABAO INDUSTRY SA BAYAN NG LAOAC, BALIK-SIGLA SA KABILA NG PANDEMYA; TURISMO AT BENEPISYONG PANG-EKONOMIYA, INAASAHAN

LAOAC, PANGASINAN – Nagpapatuloy ngayon ang pagbabalik-sigla ng industriya ng pag-aalaga ng kalabaw sa bayan ng Laoac maging ang pagdevelop sa mga produktong nagmumula rito.

Ayon sa lokal na pamahalaan, nang bumisita ang mga kinatawan ng pamahalaang panlalawigan sa Dairy Farm ng bayan ay nakita ang siyamnapu’t apat (94) na malulusog na kalabaw na inaalagaan sa nasabing pasilidad.

Sa pamamagitan naman ng natural at artificial insemination ay may labingpitong (17) kalabaw na buntis habang inaasahan naman ang karagdagang dalawampu’t dalawang (22) kalabaw sa susunod pang mga araw.


Samantala, tuloy-tuloy din ang pagpapatayo ng gusali tulad ng office building, perimeter fence, guard house at pagsasaayos ng mga kagamitan ng dairy farm para masiguro ang seguridad ng pasilidad.

Nalalapit na rin ang pagkakaroon ng dairy products sa dairy farm dahil isinasaayos na rin ang processing center at milking parlor.

Bahagi ito ng pangasinan-dairy farm partnership project sa pagitan ng provincial government at ng Laoac lgu na naglalayong muling buhayin ang Dairy and Carabao Industry sa bayan sa pag-asang magbabalik rin ang sigla rin ng turismo at ekonomiya sa lokalidad sa kabila ng nararanasang pandemya.

Facebook Comments