Dalaga sa Santiago City, Timbog sa Pagtutulak ng Droga!

Santiago City – Matagumpay na naaresto kahapon ang isang dalaga na tulak ng droga matapos ang ikinasang drug buy bust operation ng mga kasapi ng Santiago Police Station 1 sa Purok 4, Caloocan, Santiago City.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Rolando Gatan, Acting Station Commander ng Santiago Police Station 1 , kinilala ang suspek na si Janeth Mattering Dayag, bente tres anyos, dalaga at residente ng Purok 6, Rosario, Santiago City.

Sinabi ni Police Chief Inspector Gatan na nahuli si Dayag sa pamamagitan ng pinagsanib pwersa ng Santiago Police Station 1, Santiago Drug Enforcement Unit at PDEA RO2.


Nakuha umano sa pag-iingat ng suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu sa nagpanggap na buyer na isang alagad ng batas, kasama rin ang limang daang piso bilang marked money.

Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act laban sa suspek.

Facebook Comments