Dalagita, nakulong sa chimney matapos magtangkang pumasok sa saradong bahay

Screenshot via Fox News

Hindi si Santa, kundi isang dalagang nagtangkang dumaan sa chimney ng saradong bahay ang sinaklolohan ng mga awtoridad sa Arizona, US.

Isa’t-kalahating oras nang nasa chimney ang 17-anyos na babae bago rumesponde ang bumbero sa Phoenix nitong Miyerkules.

Ayon sa ulat ng Fox News, sabay na umuwi galing sa galaan ang babae at isa pang dalagang kinilalang si Yasmeen na siyang nakatira sa bahay na pinangyarihan ng insidente.


Nadatnan nilang naka-trangka na ang bahay nila Yasmeen at walang ibang puwedeng daanan kaya naisipan ng babae na sa bubong na lang dumaan.

Hindi inakala ng babae, at hindi rin alam ni Yasmeen na may harang pala ang ilalim ng kanilang chimney.

Nagsimulang mataranta ang babae at nakiusap na tawagan ng kaibigang ang 911.

Sinasabi rin ng dalaga na hirap siyang huminga sa loob.

Tumagal ng 40 minuto bago tuluyang mailabas ang babae na balot ng abo.

Hindi naman ikinatuwa ng mga “galit na galit” na magulang ni Yasmeen ang insidente.

Facebook Comments