Dalagita natagpuang patay sa sakahan ng mais sa Blensong, Upi

Isang 15 anyos na dalagita ang natagpuang wala nang buhay sa Sitio Rakef, Barangay Blensong, Upi, Maguindanao.
Sa panayam ng DXMY sa imbestigador ng Upi Municipal Police Station na si Police Staff Sgt. Vincent Gamino, pasado alas 8:00 ng umaga kahapon nang makatanggap ng tawag ang kanilang himpilan mula sa barangay official na nagsasabing may natagpuang bangkay sa maisang bahagi ng Sitio Rakef.
Agad na rumisponde ang mga pulis at sa kanilang pagdating sa area ay tumambad ang bangkay ng biktimang si Baby Jane Francisco na may nakataling jogging pants sa kanyang leeg.
Pinaniniwalaang pinatay sa sakal ang biktima gamit ang jogging pants.
Napag-alaman din ng kapulisan na noon pang Linggo nawawala ang biktima subalit hindi ito inireport ng kanyang mga magulang.
Hanggang sa kahapon ay natagpuan na lamang itong wala nang buhay sa gitna ng taniman ng mais sa Sitio Rakef.
Napunta ang biktima sa lugar kasama ang dalawa pa nitong kapatid upang dumalo lamang sa isang handaan noong gabi ng sabado subalit hindi na ito nakauwi pa sa kanilang bahay.
Sinabi pa ni Gamino na responsibilidad nila na bigyan ng katarungan ang pagkamatay ng biktima kaya nagsasagawa sila ng malalimang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nasa likod ng krimen.
Nanawagan rin ang Upi MPS sa mga residente na makipagtulungan sa kanila para sa agarang ikakaresolba ng nasabing kaso.

UPI MPS FB Pic

Facebook Comments