Dalagita, ni-rape ng nakilala niyang lalaki sa Luneta

Manila, Philippines – Isang dalagita ang nakaranas ng matinding trauma matapos gahasain ng nakilalang lalaki sa Luneta.

Sa report, nagkayayaan ang 16-anyos na biktima at isang kaklase na pumunta sa Luneta nitong Lunes.

Sa CCTV – makikita ang dalawang dalagita na nakaupo sa bench bandang alas-otso ng umaga nang dumating ang suspek at kinausap sila.


Wala pang limang minute, makikitang nag-aabang na ang suspek ng jeep sa Ma. Orosa Street kung saan sumunod sa kanya ang dalawang biktima.

Alas-diyes nang makita sa CCTV ng isang mall sa Mandaluyong ang pagdating ng suspek kasama ang dalawang estudyante.

Sa report – binilhan pa ng suspek ng pantalon ang biktima at pinasuot ng t-shirt dahil naka-uniporme.

Iniwan umano ng suspek ang kaklase nito sa isang kainan at nagpasama sa biktima kung saan dinala ito sa isang hotel kung saan siya hinalay.

Pagkatapos ng isang oras – binalikan nila ang kaklase sa mall habang hinipuan din ng suspek ang isa pang biktima at ninakawan ng cellphone.

Humihingi naman ng tulong sa publiko ang nanay ng biktima para makilala ang suspek at makapagsampa ng kaso.

Sa sinumang maaring nakakakilala sa suspek at impormasyon sa kinaroroonan nito maaring makipag-ugnayan sa Mandaluyong police sa numerong 532-45001 local 651.

Facebook Comments