LONDON – Nauwi sa kamatayan ang suicide attempt ng isang dalagita dahil sa takot ng pag-iisa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) outbreak.
Ayon sa report ng the Sun, ang 19-anyos na waitress ay namatay sa ospital noong Marso 18 matapos nitong pagtangkaan ang sariling buhay dahil sa mental health impacts na dulot ng pagsosolo nito dahil sa COVID-19 outbreak.
Ilang araw bago ang malagim na trahedya ay una na umanong nagbabala ang dalagita sa kanyang pamilya na hindi niya umano kakayanin ang mapag-isa sa bahay sa mahabang panahon, at sa ilang mga nakansela nitong plano dahil sa krisis.
Nasa kritikal umanong kondisyon ang babae hanggang sa magpasya na lamang ang kanyang pamilya na tanggalin ang life support na nakakabit dito.
Dito na rin sinimulang ibahagi ng kanyang naiwang pamilya ang ilang parte ng katawan ng dalagita.
Ayon sa kanila, nababahala raw ang dalagita sa coronavirus pandemic ngunit mas nababahala raw ito sa epektong dala nito sa kanyang mental health.
Kwento ng kapatid ng babae, apat na taon ang nakararan ay nasurian na mayroong “high-functioning autism” ang dalagita.
(Sa mga nakararanas ng depresyon, huwag mag-alinlangang sumangguni sa malalapit na kaibigan at espesyalista.
Maari ring tumawag sa “Hope Line” ng Natasha Goulbourn Foundation na katuwang ng Department of Health (DOH):
(02) 804-HOPE (4673)
0917-558-HOPE (4673) or (632) 211-4550
0917-852-HOPE (4673) or (632) 964-6876
0917-842-HOPE (4673) or (632) 964-4084)