SHARJA, India – Malubha dahil sa mga tinamong sugat ang isang 14-anyos na babae nang datnan ng pulisya habang nakahilata sa semento ng tinitirhan nilang apartment.
Ayon sa report ng Sharja Police sa Gulf News, bandang 12:30 am noong Linggo nang mag-ikot ang watchman ng gusali at laking gulat daw nito nang makita ang duguang babae na nakahiga sa lapag.
Nang makatawag ng tulong ay nagtungo ang awtoridad sa pinangyarihan ng insidente– at sa inisyal na imbestigasyon, hinihinalang nahulog ang biktima mula sa ilang palapag ng gusali.
Napag-alaman na ito ay isa sa kambal na anak ng mag-asawang nakatira sa apartment.
Pinuntahan nila ang mga magulang ng bata na noo’y walang kaalam-alam na isang anak na lang nila ang natutulog sa kwarto.
Agad na nagtungo sa ibaba ng gusali ang mag-asawa kasama ng pulisya para kumpirmahin kung anak nga nila ang nahulog.
Dito nila nakilala ang biktima na labis daw nilang ikinagulat.
Naisugod pa ito sa ospital ngunit idineklara ring dead-on-arrival.
Kaugnay ng trahedya, iginiit naman pamilya na wala silang nalalamang problema ng dalagita kaya labis daw nila itong ipinagtataka.
Pero noong Sabado, isang araw bago mangyari ang insidente ay natagpuan daw nila itong natutulog sa hall ng apartment.
Kasalukuyan nang inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa suicide ang nangyaring insidente habang patuloy namang nakikipag-ugnayan ang pamilya ng biktima sa imbestigasyon.