Patay ang isang 13-anyos na babae mula Iran matapos pugutan ng ulo ng sariling ama habang natutulog sa kanyang kwarto noong Huwebes.
Sa report ng Iran International TV, kinitil ng amang si Reza Ashraf ang anak niyang si Romina Ashraf matapos itong lumayas at sumama sa 34-anyos na si Bahamn Khavari.
Naiulat na hindi umano pabor si Reza sa relasyon ng dalawa ngunit sa kabila nito ay ipinagpatuloy nito ang pagtatanan.
Humingi raw ng tulong sa awtoridad ang pamilya ng dalawa para mapabalik sila sa kanya-kanya nilang tirahan ang dalawa kahit pa nagbabala na umano ang dalagita sa panganib na kanyang haharapin.
Matapos ang limang araw ay natagpuan ang dalawa at ibinalik si Romina sa kanyang ama na kinakailangan umanong gawin ayon sa Islamic Republic Law.
Nangyari ang krimen habang natutulog ang dalagita sa kwarto kung saan karit ang ginamit na pampatay ng tatay.
Nagtungo ito sa pulisya para sumuko habang hawak-hawak ang ginamit na karit na ginamit niya umano sa krimen.
Agad itong inaresto ngunit pinagbawalan ng batas na humarap sa death penalty dahil tatay umano siya ng biktima.
Humaharap sa 10 taong pagkakakulong si Reza.
Samantala, ang naturang kaso ay nagbunsod ng sigaw sa social media na ipatigil ang naturang klase ng pagpatay.
Kinakailangan umanong baguhin ang ganitong ideya dahil sa kasulukuyan, mas marami raw ang krimeng nangyayari sa loob ng tahanan kaysa ang nagaganap sa lipunan ayon sa president’s aide na si Shahnaz Sajjadi.