M’LANG, NORTH COTABATO – Pinaghihinalaang nasawi ang 16-anyos na babae sanhi ng rabies ng isang tuta na kumagat sa kaniya noong Disyembre.
Kinilala ang biktima na si Pinky Tuble, Grade 10 student mula sa M’lang National High School.
Sinabi ng naulilang pamilya na nasawi ang dalagita isang araw bago ang kaniyang kaarawan.
Ayon sa municipal health officer, nagjo-jogging noon si Tuble nang biglang habulin at kagatin ng tuta.
Pero imbis na dalhin ng magulang sa ospital, ipinagamot na lamang ang biktima sa albularyo.
Hindi naman daw kaagad lumabas ang sintomas ng rabies pero biglang nilagnat, namanhid, at natakot sa tubig ang dalagita noong Linggo.
Idineklarang dead on arrival sa pagamutan ni Tuble sa parehong araw.
Payo ng mga health officer, agad magpabakuna sa mga doktor kapag nakagat ng aso at kailangan obserbahan ang hayop sa loob ng isa hanggang tatlong buwan.
Dapat din hugasan ang sugat gamit ang sabon at dumadaloy na tubig.
Samantala, nagsagawa ng bakuna kontra-rabies ang Cotabato Provincial Health Office sa mga kaanak ng nasawing estudyante.