CAUAYAN CITY – Pormal nang inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya ang programang “Dalan ti Umili” kung saan 21 barangay ang unang magiging benepisyaryo nito.
Sa pahayag ni Provincial Agriculture Officer Absalom Baysa, nasa kabuuang 20,000 bags ng semento ang naibahagi sa mga barangay bukod sa fuel assistance upang masimulan ang mga road construction projects.
Ang programa ay may layuning maisaayos ang mga daan sa mga barangay katulad ng mga farm-to-market-roads na makatutulong upang mapadali ang transportasyon ng mga ani.
Makatutulong din ito upang maipaabot ng maayos ang mga serbisyong pampubliko at mabilis na pagresponde sa mga nangangailangan.
Bukod sa programang “Dalan ti Umili”, isinusulong din ni Governor Jose Gambito ang “Kalsada ti Kabanbantayan” kung saan pokus naman nito ang pagsasaayos ng mga kalsada sa mga bulubunduking lugar.