Dalawa, arestado sa drug buy-bust operation ng Pasay City at Parañaque City PNP

Kalaboso ang dalawang indibidwal matapos magkasa ng drug buy-bust operation ang Pasay City at Parañaque City Philippine National Police (PNP) sa brgy. San dionisio.

Nakilala ang mga nadakip na sina Andrew Puelong na target ng operasyon at residente ng Brgy. Don Galo, at kasama nitong babae na si Zade Bugasto ng Brgy. San Dionisio.

Nabatid na unang nakipag-ugnayan si Police Captain Cecilio Tomas Jr. ng Pasay City Police kay Parañaque City Police Sub-station 4 Commander Police Major Dwight Ong hinggil sa ikakasang operasyon laban sa suspek na si Andrew matapos makumpirma ang talamak nitong pagbebenta ng ilegal na droga.


Sa nasabing operasyon, nakabili ang isang poseur buyer ng ₱7, 500 na halaga ng shabu sa suspek habang nasa bahay ng kasama nitong babae sa No. 6485 Tramo Street sa Brgy. San Dionisio, Parañaque City.

Agad na pinalibutan ang nasabing bahay ni Bugasto kung saan dito na sila nadakip ng mga otoridad.

Nakuha sa dalawa ang limang medium sachet na may bigat na higit 60 gramo na nagkakahalaga naman ₱417,384.00, digital weighing scale, marked money na ginamit sa operasyon at dalawang cellphone.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments