Dalawa katao, pinagbabaril patay sa QC

78
Manila, Philippines – Patay ang dalawang katao kabilang ang isang tricycle driver  matapos na pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek sa Luzon Avenue Brgy. Culiat Quezon City.

Kinilala  ang mga biktima na sina Efren Romero Jr 26 anyos tricyle driver at alyas Muslim residente sa naturang lugar.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya pasado alas dose ng hating gabi ay nakaparada lamang ang kanilang tricycle sa naturang lugar nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo lulan ang dalawang katao at walang kaabog abog pinagbabaril ang mga biktima bago tumakas ang mga suspek.

Naniniwala ang mga magulang ng isa sa dalawang pinagbabaril na may kinalaman sa ilegal na droga ang dahilan ng pagpatay kay Efren Jr. 

Aminado si mang Efren Romero Sr. na gumagamit ng ilegal na droga ang kanyang anak.

Sabi ni mang Efren, ilang beses na niyang pinagsabihan ang kanyang Junior pero hindi aniya mapigil sa maling gawain.

Itinanggi ng mga magulang ng biktima na nagtutulak ito ng droga pero hindi nila alam kung ano ang tunay na pagkatao ng kasama nito na alyas  Muslim.

Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon si PO3 Louie Cerbito Criminal  Investigation and Detection  Unit ng  QCPD kung ano ang tunay na motibo ng mga suspek sa pagpaslang  at inaalam na rin kung mayroong CCTV camera sa pinangyarihan ng krimen.


Facebook Comments