Dalawa, kumpirmadong nasawi, kabilang ang isang limang taong gulang na bata, dahil sa sumalpok na SUV sa NAIA Terminal 1

Dalawa ang nasawi, kabilang ang isang limang taong gulang na batang babae sa pagsalpok ng isang SUV sa departure gate ng NAIA Terminal 1 kaninang umaga, ‘yan ang malungkot na kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon.

Ayon kay Dizon nakausap na niya ang pamilya ng namatayan na OFW na naghatid lamang sa NAIA Terminal 1 at hindi muna binanggit ang pagkakakilanlan ng mga biktima, maging ang drayber ng SUV.

Batay sa CCTV na ipinakita ng pamunuan ng NAIA 1 kay Secretary Vince Dizon, nakita na may hinatid na pasahero ang drayber ng SUV papasok ng departure area nang bigla na lang rumagasa ang SUV.

Hindi pa malinaw ang kabuuang nangyare sa insidente dahil kasalukuyan pa itong iniimbestigahan ng mga awtoridad habang nasa custodiya na ng Paranaque City Police ang drayber.

“The driver will be subjected to mandatory drug testing by SOCO and PNP and we will also have to look at other angles of CCTV footage lets wait for that initially, mukha naman ‘di siya nagpunta dito para managasa we will just have to find out ano nangyare talaga.” — DOTR Secretary dizon.

Bukod sa dalawang nasawi, tatlo ang nasugatan sa insidente na kasalukuyang ginagamot sa isang ospital sa Pasay City, ayon kay Dizon nasa maayos naman na kondisyon ang tatlong nasugatan.

Samantala, nagpasalamat si Dizon kay New NAIA Infra Corp. (NNIC) at San Miguel Corporation President Ramon Ang, na nangakong sasagutin ang gastos para sa mga nasawi at nasugatan sa insidente sa NAIA Terminal 1.

Nakikiusap din si Dizon sa mga nag po-post ng video ng insidente sa social media na respetuhin ang pamilya ng namatayan at huwag gamitin ang insidenteng ito para lang makakuha ng views.

Facebook Comments