Dalawa pang empleyado ng Kamara, nag-positibo sa COVID-19

Dalawa pang empleyado ng Kamara ang nadagdag sa kaso ng mga nag-positibo sa COVID-19.

Dahil dito, umakyat na sa 33 ang bilang ng mga kawani ng Mababang Kapulungan na nagkasakit ng Coronavirus Disease.

Ayon kay House Secretary General Atty. Jose Luis Montales, ang una sa bagong kaso ngayon ay isang member ng security staff.


Nagpositibo ito sa sakit matapos na sumailalim sa rapid test sa SONA screening noong July 27 at nakumpirma rin na may COVID-19 nga ito sa lumabas na PCR test.

Ang nasabing empleyado ay tumulong pa sa paghahanda ng Kamara sa SONA noong July 21 at 23, 2020.

Samantala, ang ikalawang bagong kaso naman ay nakatalaga sa Administrative Department.

Sumailalim ito sa test nitong August 1, 2020 matapos makaranas ng panunuyo at pananakit ng lalamunan.

Nagpakonsulta din ito sa Medical at Dental Services ng Batasan noong July 29, 2020.

Kasalukuyang isinasagawa ngayon ang contact tracing sa mga nakahalubilo at kasamang empleyado.

Facebook Comments