*Jones**, Isabela- *Kinumpirma ni PCapt Fernando Mallillin, hepe ng PNP Jones na dating kasapi ng Private Armed Groups (PAG) ang dalawang sumukong suspek na nanunog ng Vote Counting Machine (VCM) at mga balota sa bayan ng Jones noong May 14, 2019 ng umaga.
Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay PCapt Mallillin, mismong mga witness ang nagturo sa dalawang suspek na sina Rodel Pascual at Jayson Leano na kapwa residente ng Brgy. Sta. Isabel, Jones, Isabela nang ipakita ng PNP ang kanilang hawak na rogues’ gallery.
Iginiit din ng hepe na konektado umano sina Pascual at Leano sa PAG na sangkot sa iba’t-ibang krimen sa hilagang bahagi ng Isabela.
Itinanggi naman ng dalawang suspek na sangkot ang mga ito sa nasabing panununog.
Bagamat may naitalang election related incidents sa kanyang nasasakupan ay malaki pa rin ang kanyang pasasalamat dahil wala anyang naibuwis na buhay sa araw ng eleksyon.
Kaugnay nito ay patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon at hot pursuit operation laban sa iba pang mga suspek.
Samantala, nilinaw naman ng hepe na hindi pa pinalaya ang dalawang suspek kundi nasa kustodiya ng kanilang Brgy. Kapitan at anumang araw ay isasailalim ang mga ito sa inquest proceedings.