Dalawa Sugatan sa Banggaan ng 2 Sasakyan sa Isabela!

San Manuel, Isabela- Sugatan ang driver at kasamahan nito sa nangyaring banggaan ng Toyota Fortuner at Isuzu Dmax Pick-up kahapon sa pambansang lansangan sa Brgy. Nueva Era, San Manuel, Isabela.

Kinilala ang sugatan na si Jeffrey Gamazon, 28 anyos at si Yda Camagon, parehong residente ng Brgy. Mangga, Quezon, Isabela lulan ng puting Fortuner na may plakang BAA 6680, nakabangga nito ang Pick up na pag-aari at minamaneho ni Francisco Badiola, 55 anyos, may asawa, at residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Batay sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), sabay na binabagtas ng dalawang sasakyan ang pambansang lansangan patungong timog na bahagi ng daan nang sinubukang umiwas ng driver ng Fortuner sa sinusundang tricycle nang mahagip nito sa tagiliran ang nag-oovertake na Pick-up.


Nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng Fortuner kaya’t dumeretso ito sa gilid ng daan at sumalpok sa puno ng G-melina.

Agad namang dinala ng Rescue 888 sa pagamutan ang mga sugatan para sa paunang lunas habang maswerte namang hindi nagtamo ng anumang sugat ang driver ng Pick up.

Dinala na sa San Manuel Police Station ang dalawang sangkot na sasakyan para sa karagdagang imbestigasyon.

Facebook Comments