Kusang loob na sumuko sa militar ang dalawang sub leader ng Abu Sayyaf Group sa Camp Teodulfo Bautista, Jolo, Sulu kahapon.
Ayon kay Joint Task Force Sulu Commander Maj. Gen. Ignatius Patrimonio, ang mga sumukong ASG sub-leader ay sina alyas Mujer Yadah, 55 anyos at alyas Ben Tatto, 41 anyos.
Sila ay tauhan ni ASG –Indanan kidnap-for-ransom group senior leader alyas Apo Mike.
Bitbit din ng mga ito ang kanilang dalawang M16 rifle na isinuko sa militar.
Batay sa pag-interview kay Alyas Mujer, inamin nito na taong 2002 pa nang umanib siya sa grupo ni ASG Senior Leader Apo na sangkot sa kidnap-for-ransom, bombing at pamumugot sa mga bihag na banyaga at Pinoy.
Nang masawi raw si Apo ay nagdesisyon na silang sumuko sa militar.
Simula January nang taong ito kabuuang 67 na miyembro ng ASG ang sumuko sa JTF at isinuko rin ang 35 high-powered firearms at 9 na low-powered firearms.