Dalawang babaeng courierng droga, arestado sa Quiapo, Maynila

Kalaboso ang dalawang babae matapos na mahulihan ng ilegal na droga sa Quiapo, Maynila.

Nakilala ang mga nadakip na sina Casmir Caris at Montiyah Madaya, alyas “Mhon”, na kapwa vendor at pansamantalang nakatira sa Quiapo.

Ang dalawa ay pawang mga courier ng high grade na shabu kung saan nasa kalahating kilo ang nasamsam sa dalawa na nagkakahalaga ng mahigit tatlong milyung piso.


Nabatid na isinagawa ang joint operation ng Manila Police District (MPD) Station 3 at Masambong Police Station ng Quezon City.

Ayon kay Lieutenant Colonel Reynaldo Magdaluyo, naaresto ang mga suspek sa isang tindahan sa Norzagaray Street habang aktuwal na nag-aabutan ng ilegal na droga sa police poseur buyer.

Nabatid na matagal nang ginagawa ng mga suspek ang ilegal na aktibidad kung saan sinamantala ang lockdown sa lugar, at doon sila sa Quiapo nagbabagsak ng droga.

Sa ngayon ay inaalam pa ng mga operatiba kung saan konektado ang mga suspek dahil sa laki ng droga ng kanilang binabagsak.

Facebook Comments