*Cauayan City, Isabela*- Isasailalim sa total lockdown ang dalawang (2) barangay na kinabibilangan ng Masaya Sur at Masaya Centro matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang health worker sa Bayan ng San Agustin, Isabela.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Mayor Cesar Mondala sa isang panayam ng Philippine Information Agency (PIA-Region 2).
Ayon sa alkalde, may travel history ang nagpositibong pasyente sa Maynila kung saan katatapos lang ang kanyang kontrata sa isang hospital at nagdesisyong umuwi ng Probinsya upang tumulong sa sitwasyon na kinakaharap ng bansa at piniling tumulong sa kanyang sariling bayan.
Una nang nagpaalam ang ina ng nasabing pasyente sa alkalde upang makauwi sa San Agustin at tumulong sa sitwasyon kung kaya’t pumayag ito na pauwiin dahil sa magandang intensyon na makatulong sa kanyang mga kababayan.
Kaugnay nito, inaatasan naman ni Mayor Mondala ang mga opisyal ng barangay na siyang magiging daan upang tugunan ang mga kakailanganin ng mga residente sa lugar.
Giit pa ng alkalde na posibleng tumagal ang nasabing lockdown hanggang Abril 30 subalit titignan pa rin ang sitwasyon ng kanilang bayan.
Patuloy naman ang pamimigay ng relief goods sa lahat ng barangay sa nasabing bayan.