Agad na rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG) sa banggaan ng dalawang sasakyang pandagat na kinabibilangan ng MV Palawan Pearl at BKM 104 sa katubigan ng South Harbor Anchorage area sa Port Area Manila.
Nangyari ang banggaan kaninang alas-2:10 ng madaling araw at sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na ang BKM 104 ay isang foreign utility vessel na kinontrata para magsagawa ng dredging at iba pang land development activity na kinakailangan sa pagpapatayo ng New Manila Airport.
Sa kasalukuyan, nananatiling naka-half submerge o bahagyang nakalubog ang cargo vessel na MV Palawan Pearl kung saan inoobserbahan ang pagkalat ng ‘oil sheen’ sa paligid nito.
Nabatid na ang MV Palawan Pearl ay mayroong humigit-kumulang 3,000 litro ng diesel oil na laman ng kanilang storage tank.
Mayroon din itong isang drum ng diesel oil, 60 litro ng engine oil at limang litro ng bilge oil.
Para makontrol ang pagkalat ng langis, naglatag ng apat na segment ng oil spill boom ang PCG Marine Environmental Protection Command sa paligid ng barko.
Wala namang nasaktan sa mga tripulante ng dalawang sasakyang pandagat kung saan inabusahan naman ng PCG ang MV Palawan Pearl at BKM 104 na maghain ng marine protest kaugnay sa naganap na insidente.