Dalawang dayuhan na sangkot sa pangingidnap sa isang Malaysian, nahuli ng PNP-AKG sa Angeles City, Pampanga

Naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang dalawang banyaga na sangkot sa pagdukot sa isang Malaysian national.

Ayon kay AKG Spokesperson Police Major Rannie Lumactod, nadakip ang mga suspek dakong alas-3:00 ng hapon kahapon sa parking area ng SM Clark, Malabanias, Angeles City, Pampanga.

Kinilala ang mga supek na sina Rano Herman, Indonesian at Ong Wag Plak, Malaysian.


Una rito ay nakatanggap sila ng ulat mula sa Embassy of Malaysia na nanghihingi ang mga suspek ng 12,000 RMB (Renminbi) na ransom money kapalit ng kalayaan ng hawak nilang biktima na noong May 16, 2020 pa dinukot.

Kaya naman ikinasa ang entrapment operation kung saan may nagpanggap na ransom courier at matapos ang transaksyon ay hinuli na ang dalawa.

Nakatakas naman ang driver ng mga suspek na isang Filipino habang natunton na rin ang lugar kung saan nila tinago ang kanilang biktima.

Nahaharap na ang mga suspek na banyaga sa paglabag sa kasong kidnap for ransom.

Facebook Comments