Dalawang distribution firms ang nagpahayag ng interes na magsagawa ng local clinical trials sa pag-gamit ng anti-parasitic drug na Ivermectin bilang gamot kontra COVID-19.
Ayon sa IP Biotech Inc. at Ambica International, ilang doktor na sa bansa ang nagrerekomenda ng Ivermectin bilang gamot sa naturang sakit.
Ginagamit na rin anila ito para sa mga outpatients at pasyenteng nasa ospital na mayroong COVID-19 sa ilang bansa kagaya ng Honduras.
Sa kabila nito, tutol ang infectious diseases expert na si Dr. Edsel Salvaña na epektibo ang naturang gamot lalo na’t wala pa naman aniyang data na nakakapagpatunay dito.
Nagbabala rin si Salvaña sa posibleng side effects na dulot ng pag-inom ng Ivermectin na nakarehistro sa bansa bilang gamot pangontra sa sakit ng mga hayop kagaya ng heartworm.
Matatandaang binigyan ng Food and Drug Administration ng compassionate use permit ang Ivermectin kahit na hindi ito inirerekomenda ng World Health Organization dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya.