Dalawang drug suspects, patay sa engkwentro sa Maynila

Manila, Philippines – Patay ang dalawang drug suspects sa ikinasang buy-bust operation sa Beata St. Brgy. 839 Zone 91 Pandacan Maynila pasado alas dose ng hatinggabi.

Target ng operasyon si Reynaldo Dela Cruz na kilalang tulak ng illegal na droga sa lugar.

Napatay din ang kasama ni Delacruz na nakilala lamang na alias Ayi.


Ayon kay Police Senior Inspector Val Valencia, ang team leader ng Pandacan Police Station Drug Enforcement Team, bibili dapat ang asset nila ng limangdaang pisong halaga ng shabu mula kay Dela Cruz.

Pero hindi pa nagkakaabutan ng iligal na droga at pera ay nakatunog na si Dela Cruz na pulis ang katransaksyon niya sabay bunot ng baril.

Doon na napilitan ang mga pulis na paputukan ang dalawa na agad nilang ikinamatay.

Napag-alaman na nasa drug watch list ng Pandacan Police Station si Dela Cruz at bagaman sumuko na siya sa Oplan Tokhang ay hindi pa rin tumigil.

Bukod sa dalawang baril ay may nakuha ring illegal na droga sa dalawang suspek.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad.

Facebook Comments