Dalawang Estudyante sa Nueva Vizcaya, Biktima ng Pananaksak!

Solano, Nueva Vizcaya – Nagtamo ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang estudyante sa Solano Nueva Vizcaya, sa oras na alas otso y medya ng gabi, Marso bente uno taong kasalukuyan.

Sa ibinahaging impormasyon ng Police Regional Office 2 sa RMN News Cauayan, kinilala ang mga biktima na sina Marlon Julio Taberna, bente uno anyos, walang asawa, at si Rustan Galising Aleste, bente kwatro anyos, walang asawa, pawang nasa ikatlong taon sa sekondarya at mga residente ng Purok 3 at 6 ng Barangay Curifang, Solano, Nueva Vizcaya.

Samantala ang suspek ay nakilalang si Noel Collado Sotto, bente tres anyos,walang asawa at residente ng Purok 3, Curifang, Solano, Nueva Vizcaya.


Sa isinagawang imbestigasyon ni Senior Police Officer 3 Omar S. Ancheta, nabatid na ang mga biktima ay nag-iinuman sa labas ng bahay ni Marlon.Hindi nagtagal ay dumating si Sotto kasama ang kapatid na si Arnold Collado Sotto na may mga hawak na inuming nakakalasing at nakipag-inuman din sa mga biktima.

Habang nag-iinuman ay nagkaroon ng di pag-kakaintindihan ang magkabilang panig hanggang umabot sa suntukan ngunit napahinto sila ng ilang tao sa paligid.

Pagkalipas ng ilang minuto ay pumasok si Taberna at Aleste sa loob ng bahay at sinundan naman sila ng suspek na lingid sa kanilang kaalaman. At sa loob ng bahay ay bigla na lamang pinagsasaksak ni Noel Collado ang dalawa kung saan tumakas din agad kasama ang kutsilyo na ginamit.

Sa resulta ng pangyayari, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang biktima na kaagad namang itinakbo ng mga opisyal ng barangay sa Veterans Regional Hospital sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Pinaghahanap pa rin hanggang sa kasalukuyan ang nasabing suspek at nakikipag-koordinasyon na rin sa iba pang pulisya para sa pagkakahuli ni Noel Collado Sotto.

Facebook Comments