Dalawang Immigration officers na sinasabing nag-falsify sa travel records ng Austrian national na sangkot sa Wirecard fraud, tatambakan ng kaso ng NBI

Patung-patong na kaso ang isasampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) laban sa dalawang Immigration officers na sinasabing nag-falsify sa travel records ng Austrian national na sangkot sa Wirecard fraud.

Kinilala ni NBI Officer in Charge (OIC) Director Eric B. Distor ang Immigration Officers (IO) na sina Perry Michael Pancho, na nakatalaga sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) at Marcus Nicodemus na naka-assign naman sa Ninoy Aquino International Airpot (NAIA) Terminal 1, Pasay City.

Kabilang sa kasong isasampa laban sa dalawa ang paglabag sa Falsification of Public Documents by a Public Official sa ilalim ng Article 171 ng Revised Penal Code at paglabag sa RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na may kaugnayan sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.


Sinabi ni Distor na noong June 23, 2020, sinasabing nakapasok sa bansa si Jan Marsalek para takasan ang mga otoridad sa Europe.

Si Marsalek ay sangkot sa nawawalang 1.9 billion Euros o 2.1 billion US dollars o mahigit P1.7 trillion.

Dahil dito, agad nagsagawa ng imbestigasyon ang NBI-International Airport Investigation Division (NBI-IAID).

Lumalabas sa imbestigasyon na pineke ang travel record ni Marsalek kabilang na ang kaniyang arrival noong June 23 sa NAIA 1 na sinasabing iprinoseso ng isang IO Darren Ilagan na may nakatatak na “cancelled by user” remark at departure na June 24, 2020 sa Mactan Cebu International Airport na iprinoseso naman ni IO Pancho.

Kaduda-duda aniya ito dahil walang existing immigrations protocol noon na nagpapahintulot sa pagpasok sa bansa ng sinumang pasahero dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19) situation.

Facebook Comments