
Nilinaw ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na hindi pa abswelto ang dalawang big network contractors sa kasong rape sa artistang si Sandro Muhlach.
Sa Facebook post ni Estrada, ipinaliwanag niya na ang dismissal sa kasong acts of lasciviousness laban sa mga independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz ay pawang technicality lamang at hindi nito binabawasan ang bigat ng mas mga seryosong kaso tulad ng rape case.
Sinabi ni Estrada na naninindigan siya para sa mga biktima ng mga pang-aabuso sa industriyang dati niyang kinabibilangan.
Muling nangako ang mambabatas na hindi niya kukunsintihin at palalagpasin ang mga ganitong kaso.
Hinimok naman ni Estrada ang lahat ng partido na hayaan ang korte na magpasya nang patas at walang pinapanigan at umaasa siyang mananaig din ang katarungan sa naturang kaso.