Nakatakdang isailalim sa tatlong araw na calibrated lockdown ang dalawang kalye sa Barangay San Dionisio, Parañaque City.
Ito’y dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa naturang lugar.
Sa naging pahayag ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, ang buong kalye ng Tramo I at Tramo II ay ila-lockdown, simula alas 6:00 ng umaga ng June 4, 2020 hanggang hatinggabi ng June 6, 2020.
Base sa datos ng City Health Office, nakapagtala ang Brgy. San Dionisio ng 110 na kumpirmadong kaso ng COVID-19, 37 ang active cases, 71 ang nakarekober at dalawa ang namatay.
Dagdag pa ni Mayor Olivarez, ang Tramo I at II ang siyang may mataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa nasabing barangay dahil na rin sa mabilis na nahahawaan ang bawat pamilya at ang buong komunidad kaya’t napag-desisyunan ng lokal na pamahalaan na isailalim ito sa tatlong araw na lockdown.
Ang Brgy. San Dionisio ay may populasyon na 63,506 katao kung saan ito na ang ikalawang barangay sa lungsod ng Parañaque na isasailalim sa calibrated lockdown ang ilang kalye o kalsada nito.