Inihayag ng kompaniyang Medicago ng Canada at ng GlaxoSmithKline (GSK) ng Britain na nasa huling yugto na sila ng vaccine trial kontra COVID-19.
Ayon sa dalawang kompanya, uumpisahan ang Phase 3 clinical trial bago matapos ang taon kung saan ibibigay ang bakuna sa 30,000 volunteers sa North America, Latin America at Europe.
Habang ang Phase 3 ay isasagawa sa iba’t ibang lugar sa Canada pero kailangan pa rin ng pahintulot ng pamahalaan ng US.
Ayon kay Executive Vice President of Scientific and Medical Affairs Nathalie Landry ng Medicago, ang kanilang bakuna ay nagresulta ng 100% proteksyon sa 180 malulusog na indibidwal na lumahok sa Phase 1 ng clinical trial.
Sinabi naman ng Chief Medical Officer ng GSK na si Thomas Breuer, tiwala sila na epektibo ang ginawa nilang bakuna kontra COVID-19 sa pakikipagtulungan na rin ng Medicago.
Kaugnay nito, kukumpirmahin pa nila sa 21 araw na pagitan kung ligtas sa may edad 18-64 taong gulang at sa mga nakatatanda na 65-anyos pataas ang ginawa nilang bakuna.