Dalawang kongresista, itinangging pumirma sa manifesto ni Cayetano

Mariing pinabulaanan nina Maguindanao Representative Esmael Mangudadatu at Zamboanga del Sur Representative Divina Grace Yu na pumirma sila sa manifesto na sumusuporta kay Taguig Representative Alan Peter Cayetano bilang House Speaker.

Bago ito, naglabas ang kampo ni Cayetano ng isang manifesto kung saan nilagdaan ng nasa 200 mambabatas kung saan kabilang sina Mangudadatu at Yu.

Ayon kay Mangudadatu, wala siyang pirma sa manifesto.


Iginiit niya na ibinigay niya ang kanyang pirma noong September 30 nang mag-alok si Cayetano ng resignation, pero hindi niya inaasahan ang pag-take over ni Velasco bilang Speaker.

“Bumoto ako ng yes na para hindi siya mag-step down that time. Ang inaantay ko naman hanggang 14, na yung yes na yun, mag-e-expire today kasi tomorrow mag-aano na si Lord Allan Velasco,” sabi ni Mangudadatu.

Paglilinaw rin ni Yu na ang kaniyang ibinigay na pirma ay ang hindi pangtanggap sa alok ni Cayetano na magbitiw noong September 30.

Dagdag pa ni Yu, walang nagsabi sa kanya na gagamitin ang kanyang pirma para sa manifesto.

“I believe majority of us were not consulted by [Cayetano] if they could use our eSignature today, especially those who signify support for [Velasco],” ani Yu.

Ibinoto ni Yu si Velasco dahil sa tingin niya ay ito na ang tamang oras para magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Kamara bago simulan ang special sessions para sa 2021 proposed national budget.

Facebook Comments