Manila, Philippines – Umatras na sina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio sa pagiging co-authors ng Tax Reform Package ng administrasyong Duterte.
Sa liham na ipinadala ni Zarate kina House Majority Leader Rodolfo Fariñas at House and Ways and Means Committee Chairman Dakila Carlo Cua ay pormal na nitong iwini-withdraw ang kanyang authorship sa House Bill 5636.
Nanindigan si Zarate na ang consolidated version ng panukala ay taliwas sa nilalayon ng orihinal na House Bill 333.
Sa panukala ni Zarate, pinababawasan lamang ang income tax ng mga manggagawa na layong palakihin ang kanilang take-home pay.
Ganito rin ang nakapaloob sa House Bill 57 ni Tinio kung saan kanyang sinabi na hindi nito dinadala ang adbokasiya para sa mas mababang buwis.
Sumulat din ito kay House Sec.Gen. Cesar Pareja at iginiit nito ang pagboto ng NO sa tax reform package.
Babala naman ni Zarate, sa kabila ng paglibre sa buwis sa mga kumikita ng 250,000 kada taon ay mayroon namang dagdag na excise tax na tiyak na magreresulta sa pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa.
DZXL558