Cauayan City, Isabela- Muling nakapagtala ng panibagong kumpirmadong kaso ng corona virus (COVID-19) ang Lalawigan ng Cagayan ngayong araw matapos kumpirmahin ng Department of Health Region 2.
Nagpositibo ang isang 30-anyos na lalaki mula sa Bayan ng Alcala habang isang 21-anyos na babae mula naman sa Bayan ng Lal-lo.
Ayon sa DOH, nakauwi ang lalaking pasyente nitong lunes, Hunyo 8 sa kanilang lugar sa Alcala at positibong nagkaroon ng pagbiyahe mula sa Pasay City, Metro Manila.
Habang ang 21-anyos na dalaga ay nakauwi sa kanilang bayan nito lamang ika-25 ng Mayo matapos magkaroon ng pagbiyahe mula sa Bayan ng Cordon sa Isabela.
Nabatid na ang dalaga ay nagkaroon ng sipon at agad na kinuhanan ng swab sample at nakumpirmang nagpositibo ito sa sakit.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga ang dalawang pasyente ng Cagayan Valley Medical Center sa lungsod ng Tuguegarao.
Nagtulong-tulong na ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa rehiyon para sa isinasagawang contact tracing sa posibleng nakasalamuha ng dalawang pasyente at maiwasan na rin ang pagkalat ng nasabing sakit.