Dalawang Laborer, Kalaboso sa paglabag sa RA 9165!

Echague, Isabela – Arestado ang dalawang kalalakihan bandang alas onse kaninang umaga dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act sa Brgy. Ipil, Echague, Isabela.

Kinilala ang mga nadakip na sina Jerry Salarzon Gerardo, singkwentay tres anyos, may asawa at Clevert John Almazan Pasoquin, bente uno anyos, binata, mga laborer at kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, inaresto ng PNP Echague sina Gerardo at Pasoquin matapos ibunyag ng isang concerned citizen na may nakatanim na marijuana sa likod ng bahay ng mga suspek.


Agad namang tinungo ng PNP Echague kasama ang Kapitan ng Brgy. Ipil ang nasabing lugar at dito naaktuhan ng mga pulis ang pag-iinspeksyon ng dalawang suspek sa kanilang tanim na Marijuana.

Agad namang inaresto ang dalawang suspek dahil sa kanilang pagtatanim ng Marijuana.

Nasa himpilan na ng PNP Echague ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa sa R.A 9165, habang patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad.

Facebook Comments